Ang Pagbabagong Dulot ng Programa ng KKFI
Naging parte ako ng Alternative Learning System (ALS) noong taong 2018. Noong una, sa Amado V. Hernandez Elementary School pa lang kami nag-a-ALS, tapos naimbitahan kami na sumama sa “Acquaintance Party” ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI). ‘Yun ang una kong punta sa KKFI at doon nagsimula ang lahat.
Naging parte naman po ako ng “scholarship program” noong 2020 dahil isa po akong ALS passer. Malaki ang aking pasasalamat dahil kinuha po ako bilang isang scholar ng KKFI.
Noong ALS learner ako, ang daming naging pagbabago sa ‘kin. Dati tamad na tamad ako mag-aral. Kulang sa pinansya kaya di makapag-aral. Tapos, nung napasok ako ng ALS, naisip na ito na ang magiging tulay para makamit ko ang naudlot kong pangarap.
Kaya ayun pumasok ako sa ALS ng hindi alam ng mga kamag-anak ko. Hindi ako humihingi sa kanila ng pera, basta pasok lang ako nang pasok sa ALS. Naisip ko na kailangan kong maipasa ang ALS.
Napakalaking tulong din ng “scholarship program” dahil hindi na ako gaanong nahihirapan, lalo na sa pinansya. Pinag-igihan ko ang pag-aaral dahil may mga naka-suporta sa akin at handang tumulong. Sabi ko, di ko sasayangin ang binibigay nilang tulong para sa akin.
Mahalaga ang pagbabagong ito sa aking buhay. Hindi lang ito para sakin kundi sa pamilya ko. Gusto ko na hindi lamang ako ang mabago ang buhay. Gusto ko kasama ang pamilya ko. Gusto ko na makapagtapos ng pag-aaral para mabago ang aming buhay. Gusto kong maiahon sila sa hirap.
Nakatulong ang ALS sa akin para makapag-aral ulit. Di ako nagdalawang-isip na pasukin ang ALS dahil alam kong isa itong paraan para matupad ko ang aking mga pangarap. Mas nakatutulong din ang “scholarship program” para sa akin lalo na sa mga pangangailanan ko sa school. Sobrang laking tulong ito, lalo na ang mga gamit para sa pag-aaral tulad ng cell phone dahil online ang klase at sa “load allowance” na binibigay.
May mga nabago na rin sa aming komunidad dahil sa ALS at sa “scholarship program.” Marami sa komunidad namin ang nag-ALS at ‘yung iba ay nakakapagpatuloy na sa pag aaral.
Mas marami na na “out of school youth” ang gustong mag-ALS, tulad sa mga pinsan ko na dating tambay na ngayon ay mga nag-aaral na.
Marami na rin ang natulungan ng “scholarship program” na mga kabataan na ngayon ay nagpapatuloy na sa pag-aaral.
Nakakatuwa dahil dumarami na ang nangangarap at naniniwala na matutupad nila ang kanilang mga pangarap dahil sa tulong ng mga programa ng KKFI.