Kay Ate LOVE Nagmula Ang Aking Pag-asa
Noong ako ay bata pa lamang, naranasan ko ang kahirapan. Namulat sa isipan ko na ako ay mahirap lamang. Walang pangarap na nabuo sa isipan. Ang magandang buhay ay hindi na hinangad dahil sa sistemang aking nasilayan.
Ngunit isang araw may isang babae na sa akin ay kumausap. Sa kanyang mga mata nakita ko ang liwanag. Isang pag-asa ang nabuhay sa aking isipan.
Nakilala ko si Ate Christian Love Gagno, o Ate LOVE, ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI). Siya ang nagbigay ng pag-asa sa akin. Tinuruan n’ya akong mangarap, at siya rin ang naging dahilan kung bakit ako ay nangangarap at nagpapatuloy sa aking mga pangarap.
Akala ko wala ng pag-asa na ako ay makapag-aral dahil laging sinasabi ng mama ko dati na hanggang GRADE 10 lang n’ya ako kayang suportahan.
Nakalulungkot marinig, pero hindi ko naman siya masisi kung bakit n’ya nasabi ‘yun dahil nga kasi sa mahirap lamang kami. Pero noong araw na nagsimula na ang pagtuturo sa amin ni Ate Love ay unti-unti ring sumibol ang pangarap at pag-asa sa aking puso.
Dahil sa programa ng KKFI, may mga bagay o lugar ako na napuntahan na hindi ko akalaing mapupuntahan ko, gaya ng Maynila at iba pang lugar.
Sa programa rin nila ako natutong makisalamuha sa ibang tao at maging isang ganap na leader at magkaroon ng “confidence” sa sarili.
Maraming bagay ang natutunan ko sa KKFI na noon ay parang imposible pero ngayon ay nagiging posible.
Akala ko talaga hindi ako makakatapos ng high school, pero dahil sa KKFI, senior high school na ako ngayon, GRADE 12 student, at nagpapatuloy sa buhay at lumalaban para sa pangarap.
Nanatili akong determinado dahil alam kong laging may paraan si Lord para makapagpatuloy ako. Sabi nga sa Jeremiah 29:11, “‘For I know the plans I have for you,’ declares the Lord, ‘plans to prosper you and not to harm you, plans to give you a hope and a future.’”
Maraming salamat sa KKFI dahil isa sila sa nagtanim ng PAG-ASA sa aking buhay patungo sa tagumpay.