Liwanag Mula sa KKFI
Naranasan mo na bang maghanap ng liwanag sa dilim? Naranasan mo na bang makaramdam ng init sa taglamig? Naranasan mo na bang hanapan ng “positibo” ang mundong siksik ng “negatibo”?
Sa ikot ng tadhana, ito ang karera na palagi kong nilalabanan: ang maghanap ng liwanag sa dilim.
Lumaki ako sa isang masayang pamilya sa kabila ng hindi mabilang na kakulangan. Hinubog ako ng mga magulang sa magandang paraan. Pilit nilang itinatayo ang mga hindi pa makatindig na mga tuhod upang harapin ang mga pagsubok ng buhay. Kapos na maituturing, ngunit hindi matuturan kung gaano kasiksik ang pagmamahal na kanilang ibinibigay sa akin.
Dahil walang kakayahan, limitado lamang ang pangarap na aking naipundar. Malayo sa rurok ng tagumpay na inaasam ko na tila para lamang sa mga may kakayahan sa buhay. Pagtitiyaga at pagsisikap lamang ang naging puhunan upang unti-unting makamit ang aking mga pangarap. Alam ko sa aking sarili na hindi pa iyon sapat dahil hindi rin sapat ang pantustos sa aking pag-aaral.
Mahirap makipagsapalaran sa gitna ng kakulangan, ngunit sa tuwing iniisip ko ang adhikain na maiahon sa hirap ang aking pamilya ay nagkakaroon ako ng lakas ng loob upang magpatuloy.
Bilang isang estudyante, buong-buo ang aking loob. Ibinibigay ko ang aking makakaya sa lahat ng pagkakataon. Nakatatak sa aking isip na kahit kulang ako sa pera, hindi magkukulang ang aking pagsisikap upang makapagtapos ng pag-aaral.
Ngunit hindi rin maiiwasan ang mga pagkakataon na kailangan ko ng pera upang makisabay sa alon ng paraan ng pag-aaral ngayon. Sa panahon ngayon, ang kawalan ng pera ay maaring magbunga ng hindi maganda sa pag-aaral. Bawat paraan ng pag-aaral ngayon ay kailangan ng pangtustos. Kung wala ay masusukol ng kadiliman ang pag-asa na makamit ang mga pangarap. Ang paniniwala na ito ay nagpadilim sa aking buhay at nagnakaw sa nag-uumapaw na pag-asa sa akin.
Sariwa pa sa aking alaala kung paano ako inilapit ng tadhana sa maliwanag na parte ng aking buhay.
Naalala ko pa noong sinundan ko ang ilang pares ng paa papunta sa kanilang destinasyon kahit hindi ko naman alam kung saan patungo. Basta ang tanging gusto ko ay malibang sa mga natitirang linggo ng bakasyon.
Ang mga pares ng paa na aking sinundan ay huminto sa bukid na may mga tent na nagsisilbing lilim para maraming bata na may hangaring matuto tungkol sa Bibliya, makisaya sa kasama ang kapwa bata at magkaroon ng malapit na komunikasyon sa Kaniya.
Dahil naramdaman ko ang saya na kayang ibigay ng aktibidad na nangyayari noong araw na iyon, nagdesisyon ako na sumali at matuto.
Ang LikhAral ay nagtagal lamang ng isang linggo, ngunit ang mga gintong alaala na natamo ko ay naglagi sa aking puso at nagmarka ng isang magandang memorya na sa tuwing maalala ko ay kumukurba ang matamis na ngiti sa aking mga labi.
Iyon ang nagsilbing tulay upang madiskubre ang liwanag. Binura nito ang aking akala na tanging dilim lamang ang nakapalibot sa aking buhay.
Ang aking nanay ay nag-iisa lamang na tumataguyod sa aming tatlong magkakapatid na naging dahilan upang dumilim ang aking pananaw sa pag-abot ng pangarap. Ngunit dumating ang KKFI sa panahon na nasa ilalim ng gulong ng buhay ang aming estado.
Sila ang nagsilbing liwanag sa akin upang makita ang pangarap na gusto kong makamit. Sila ang nagbigay ng liwanag sa akin upang magkaroon ako ng lakas ng loob upang mangarap nang naaayon sa bulong ng aking puso at hindi dahil sa antas ng aking estado.
Nang ako ay tumuntong sa ikasiyam na baitang, naging scholar ako ng KKFI hanggang sa kasalukuyan.
Singlaki ng kanilang mga puso ang tulong na naibigay nila sa akin. Nagawa kong makapag-aral nang maayos dahil sa allowance na kanilang ibinibigay. Nagawa kong makisabay sa paraan ngayon ng pag-aaral. Naibalik ang pag-asa ko na ako ay makakapagtapos. Parang mahika kung maituturing na nawala ang dilim na nakabalot sa akin at nagniningning ang aking pananaw sa mga pangarap ko na ito ay makakamtam dahil sa tulong na ibinibigay ng KKFI.
Hindi lamang liwanag ang ibinigay sa akin ng KKFI, pati na rin ang init ng kanilang pagmamahal at pagkalinga sa gitna ng malamig kong pakikipaglaban sa hamon ng buhay.
Sa tatlong taon na pagiging scholar, marami akong nakilala na mga tao na hindi ko inaasahan na makikilala ko. Sa mga tao na ito ay natututo ako. Sila ang nagpatunay sa akin na ang pagiging guro sa hinaharap ang nakatakda sa akin. Nagbigay sila ng inspirasyon sa akin na siyang naging dahilan upang lumaban ako ng may sapat na lakas ng loob at maniwala sa kakayahan na mayroon ako.
Walang palya nilang pinapaalala na ang buhay ko ay mahalaga sa mundo na ito, na ang kakayahan ko ay sapat upang makamit ang aking mga pangarap. Nahanap ko rin ang init ng pagtanggap sa mga co-scholar ko na silang nagparamdam sa akin na ako ay kabilang sa kanila sa lahat ng pagkakataon. Ang lahat ng ito ay ipinagpapasalamat ko sa araw-araw na pamumuhay ko.
Hindi maiiwasan na magkaroon ako ng negatibong pag-iisip dahil sa maraming kakulangan na mayroon ako. Ngunit dahil sa mga aktibidad na mayroon ang KKFI ay nahubog ang aking pagkatao.
Ang “care group” ang tumulong sa akin upang matanggal ko ang maskara na palagi kong suot dahil tinatakpan nito ang aking mga imperpeksyon na siyang niyayakap ng mga kasama ko.
Sa dalawang beses kong paglahok sa YLEAD, nabuksan ang aking mga mata na kaya kong maging mabuting leader.
At sa marami pang mga aktibidad na siyang humubog sa akin upang maging isang mabuting tao na may takot sa Diyos, ang KKFI ang itinuturing kong “positibo” sa gitna ng mundo na siksik ng “negatibo.”
Ang mga karanasan ko na ito sa tatlong taong pagiging scholar ay ang siyang naging kalakasan ko upang harapin ang hirap ng buhay.
Sa unang araw pa lang ng pagtapak ko bilang scholar, alam kong may kasama na ako sa aking laban na handang tumulong at magpalakas sa akin sa gitna ng hirap at pagdurusa. Bawat araw na lumilipas na sila ay kasama ay alaala na hindi ko kailanman malilimutan. Inaasam ko rin na sila ay mas makasama ko pa nang matagal kasabay ng pangako na ang tiwalang kanilang ipinagkaloob sa akin ay mapapalitan sa pamamagitan ng aking pagtatagumpay.