May Espesyal na Kapangyarihan
“Trip-trip lang.”
‘Yan ang pananaw ni Virgilio “Prince” Tan sa desisyon niyang mag-enrol sa junior high school level ng Alternative Learning System o ALS program sa Amado Hernandez Elementary School sa tulong ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI).
Matagal-tagal na siyang out-of-school kaya’t naisip niyang yayain ang kanyang pinsan na natigil din sa pag-aaral na magpalista. Trip lang. Hindi seryoso. Kesa naman walang magawa.
Bagama’t hindi buo ang loob ni Prince sa ideya ng pagpasok sa ALS, nadiskubre niya na may itinatago rin pala siya. Sa paglipas ng panahon ay lumabas na pinakamahusay sa klase si Prince.
Sa tatlong monthly mock exam ng joint class na binubuo ng mahigit 70 estudyante mula sa Tondo at Manila North Cemetery (MNC) sa Maynila at sa lungsod ng Navotas ay tatlong beses din nag-No. 1 si Prince sa accumulated score ng lahat ng subject.
Ginanahan marahil dahil unti-unting nakikilala ang sarili at kanyang kakayahan, naging aktibo si Prince sa pagdalo sa mga programa. Nag-first place din siya sa slogan-making contest sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Dahil sa kanyang potensyal, patuloy siyang inalagaan ng KKFI.
Nakasama siya sa Youth Lead, Educate, and Advocate for Development (YLEAD) camp, “Likharal” Teachers’ Training at La Grange Peace Camp, na lalo pang humubog sa kanyang kagalingan.
“Sobrang saya ng mga activity ng KKFI!” pagbabahagi niya.
Naipasa ni Prince ang ALS exam noong nakaraang taon, subalit imbes na dumiretso sa high school ay pumasok siya sa Bible school ng kanilang church. Inalisan din niya ito di kalaunan at namasukan siya bilang tindero sa isang manukan. Hindi rin siya nakatagal dito.
Ngayon ay tindero siya ng sari-sari store pero gusto pa rin niyang makatapos ng kolehiyo, pag-amin ni Prince.
Bagama’t isang taon nang hindi bahagi ng ALS o scholarship program si Prince, naging aktibo pa rin siya sa KKFI. Sumasali siya sa care group ng KKFI at tumutulong siya sa pagpapatakbo ng YLEAD sa MNC. Di nagtagal ay nakasama na rin siya sa Teatro Kapatiran.
Pinatunayan ni Prince ang pagmamahal niya sa KKFI. Niyakap niya nang buong-buo ang KKFI, kung paano siya niyakap nang buong-buo ng institusyon. Natural lang naman daw ang kaniyang ginawa.
“Ang dami nang naitulong at natanggap ko mula sa KKFI,” pagpapatunay niya. “Unang-una na ang pagpapalago ng sarili.”
Dagdag pa niya:“Ito rin ang tumulong sa ‘kin para ipagpatuloy ko ang ALS hanggang sa pumasa na nga ako. Tapos ay tinutulungan pa rin nila kami ngayon sa pag-e-enroll at may scholarship pa.”
Nagpapasalamat si Prince sa KKFI at mga staff nito na matiyagang tumulong sa kanya upang gumanda ang kanyang pananaw sa buhay.
“Sa mga staff, salamat sa tiyaga at talino na ibinigay ninyo sa akin. Ganoon din po ang pasasalamat ko sa mga donor at partner ng KKFI na tumutulong upang maipagpatuloy ng KKFI ang proyektong ito,” ani Prince.
Walang korona si Prince (hindi naman kasi siya tunay na prinsipe). Subalit ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa isang hari. Nakapagbibigay siya ng inspirasyon sa mga kabataang, tulad niya sa simula ay, “trip-trip” lang ang tingin sa pag-aaral.
Pinatunayan ni Prince na kung seseryosohin pala ang paghabol sa pangarap ay may maabot sa buhay.