Pablo ng Henerasyon
Si Ronnel Panaligan ay lumaki sa San Roque, Navotas. Nakilala siya dahil sa palaging pagka-“cutting classes” at pambu-bully sa mga kaklase. Bagama’t siya ay mapang-asar sa kaklase, si Ronnel ay walang tiwala sa sarili. Hirap siya sa kanyang buhay, at dumating sa punto na walang malapitan sa pagkakalugmok dahil sa sari-saring problema.
Sa gitna ng mga daluyong na kanyang kinakaharap, dumating sa buhay niya ang isa sa pinakaimportante at lubos na tumulong sa kanya. Nakilala niya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang kaibigan. Gumaan ang kanyang pakiramdam at natutong magpasalamat sa mga biyaya mula sa Ama. Isa sa mga biyayang kanyang ipinapagpasalamat ay ang ALS.
Ang Daanghari Elementary School ay ka-partner ng KKFI sa pag-abot sa mga out-of-school youth sa Navotas. Dito naramdaman ni Ronnel ang pagyakap ng mga taong tutulong sa kanya sa pag-asenso. Nadagdagan ang kanyang kaalaman at nakakilala pa ng maraming kaibigan sa pamamagitan ng KKFI.
“Noong dumating ang KKFI sa buhay ko, ako po ay lubos na nagalak at lubos na nagpasalamat sa Diyos dahil binigyan ako ng kaalaman, kaalaman na magagamit ko upang gumalang at umunawa,” ani Ronnel.
Sa Youth Lead, Educate and Advocate for Development (YLEAD) nga niya natutunan na maging isang tunay na lider sa harapan ng maraming tao. KKFI ang nag-alis ng kanyang hiya. “Ako’y taas noo sa pagmamalaki sa KKFI dahil ang laki ng naitulong nila sa mga taong nangangailangan,” dagdag ni Ronnel.
Ang mga inspirasyon niya na sina Sir LJ, Mam Love, at Sir Kim ang nagsilbing daan upang tanggapin ang panibagong hamon sa paglilingkod sa kapwa.
Walang hanggang pasasalamat ang nais ipabatid ni Ronnel sa lahat ng young facilitators, mga matatanda, dalaga, binata, bata, na nakasama niya sa loob ng KKFI.
Nakilala na ni Ronnel si Kristo bago pa napabilang sa KKFI. Kaya naman ang kanyang pananampalataya at kagalakan sa paglilingkod sa kapwa ay lalo pang umigting sa pagdalo sa mga programa ng institusyon.
Si Ronnel ay patotoo na posible ang pagkakaroon ng “Saulo tungo kay Pablo” sa kasalukuyang henerasyon.
Ang mga kabataang dating pasaway at mapanakit sa damdamin ng kapwa ay maaaring paghugutan ng inspirasyon at kalakasan sa pananamapalataya sa pamamagitan ng pagmamahal at grasya na mula sa Diyos gamit ang mga disipulo.