Pangunahin ang Pagtugon sa Gutom
“Hindi Covid ang papatay sa amin kundi gutom.”
Ito ang himutok ng isang residente ng Manila North Cemetery (MNC) noong kasagsagan ng “lockdown” na pinatupad ng mga kinauukulan simula Mayo 17 sa pagtatangkang pigilan ang nakamamatay na sakit dulot ng coronavirus.
Limitado sa loob ng bahay ang mundo niya. Isang miyembro lamang ng pamilya nila ang binigyan ng “quarantine pass” upang maaari itong lumabas ng bahay upang bumili ng makakain, gamot at mga gamit panglinis. Hindi maaaring bumiyahe kahit sa kabilang barangay lang. Mahigpit ang pagpapatupad ng “curfew.”
Hindi nga makita sa liit ang coronavirus pero gabundok naman ang epekto nito. Nandyan na ang pagkasira ng ekonomiya hindi lamang ng Pilipinas kundi ng mundo, ang paglaganap ng mga isyu sa mental health, at paglala ng paglabag sa karapatang-pantao, lalo na sa aspeto ng eksploytasyong sekswal.
Nag-“panic buying” ang mga tao. Nalimas ang mga de-lata sardinas at alcohol. Pero hindi sa mga taga-MNC o mahihirap na parte ng Tondo. “Panic” lang sila; walang “buying.” Makakapag-imbak ba kung walang pera?
Naistorbo nang lubusan ang ikot ng buhay ng mga tao sa mga komunidad na nabanggit. Kung ako nga ay apektado na rin ng nangyayari. Halo-halong emosyon ang naramdaman ko sa pandemya na ito. Kinakabahan ako na baka magka-Covid-19 sinuman sa mga mahal ko sa buhay o ako mismo. Malayo pa naman sa aking piling ang aking panganay na anak at mga magulang. Sa probinsya sila nakatira.
Nakararamdam ako ng “guilt” kasi ang pakiramdam ko ay limitado ang naitutulong ko sa aking pamilya at maging sa mga taong pinaglilingkuran ng Kapatiran -Kaulanran Foundation Inc. (KKFI), kung saan ako ay naglilingkod bilang isang social worker.
Kinukumusta ko naman ang ilang beneficiary at ganito lagi ang sagot nila: “Okay naman po kami, pero hindi pa po kami kumakain ng almusal”
Pangangalakal, paglilinis ng nitso, pagtitinda ng bulaklak ang karaniwang mga trabaho ng mga nakatira sa loob ng MNC, isang sementeryo. Maliit ang kanilang kinikita, kasing liit ng coronavirus, ngunit dahil sa pandemya ay nawala pa ito nang tuluyan.
Gutom ang kasunod, ano pa nga ba? Paano na?
Kaya agad nagsagawa ng “relief distribution” ang KKFI sa MNC at Tondo. Nangalap kami ng resources, naglista ng mga bibilhing mga pagkain at gamit na ipamimigay bilang relief goods, nagtawag sa mga grocery store na maaaring mag-deliver ng mga ito sa KKFI compound, nag-pack ng goods, nagplano ng sistema ng distribusyon, at ipinatupad ang mga ito.
Ito ang pinagkaabalahan ko sa mga unang linggo ng lockdown. Nakita ko ang ispiritu ng bayanihan sa mga staff ng KKFI. Ganito nila kagustong makatulong sa mga tao. Kaya naging masaya na rin ako sa panahong ito.
Sino ang hindi tataba ang puso? Lalo na kung maririnig mo ang taus-pusong pasasalamat ng mga natutulungan dahil sa nadismaya na sila sa kanilang mga karanasan sa panahon ng pandemya.
“Relief? Ang ganda pakinggan, ano? Masaya. Mas masaya sana kung nakakarating sa amin,” buntong-hininga ng isang residente.
May mga bagay talagang hindi mabago-bago, kahit pa sinalanta na ang mundo ng isang matinding pandemya. Isa na dito ang pamumulitika.
Ngunit may mga institusyon din, tulad ng KKFI, na ang hangad talaga ay makatulong nang hindi iniisip ang pangsariling interes.
Dahil sa isinagawa naming “relief distribution” ay napawi ang gutom marami-rami ring pamilya, karamihan ay ng mga beneficiaries ng KKFI.
Bilang social worker, responsibilidad kong maiparamdam sa mga nangangailangan na karamay nila ako sa panahong ito ng pandemya. Maaaring natali ako sumandali ng pandemyang ito sa kagustuhan kong tumulong, pero hahanap at hahanap ako ng paraan upang maisagawa ko ang kagustuhan ng aking damdamin.
Sa simpleng paglalaan ng kaunting oras at lakas upang makatulong sa “relief operation” ng KKFI ay malaking bagay na pala sa taong nagugutom.