Siyam na Taon na Humubog sa Aking Pagkatao
Taong 2013 nang maging isa ako sa mga natulungan ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) pagdating sa pag-aaral at paghubog ng sariling kakayahan.
Bago ako naging isang scholar, isa lamang akong ordinaryong Grade 7 pupil, isang batang sumusunod lang sa agos ng buhay, mababa ang tingin sa sarili, at hindi sanay makihalubilo sa tao.
Ngunit nagsumikap ako sa pag-aaral para magkaroon ng magandang kinabukasan.
Noong ako’y naging kabilang na sa scholars ng KKFI, halo-halong emosyon ang aking naramdaman.
Ako’y sumaya dahil ito ang pinakauna kong scholarship na natanggap. Nakaramdam din ako ng pressure dahil bilang scholar kaakibat nito ang responsibilidad na lalo pang pag-igihan ang pag-aaral habang nakikilahok sa mga programa ng KKFI.
Hindi man po ako kagalingan sa klase, pero may nakakakamit din naman akong medalya.
Sa pagdaan ng mga taon, marami akong natutunan bilang isang scholar, mga karanasan na labis na nakatulong sa pagbuo ng aking pagkatao, pagbuo ng tiwala ko sa sarili, nakatulong din upang maging mabuti akong anak, at miyembro ng komunidad.
Bilang scholar, masaya akong nakilahok sa iba’t ibang training seminars na meron ang KKFI.
Isa na dito ay ang Youth Lead, Educate, and Advocate for Development, or YLEAD, kung saan layon nito na matulungan ang bawat scholar na mabuo ang tiwala sa sarili at maging isang kapani-pakinabang na miyembro ng komunidad.
Kami bilang kabataan ay may kakayahang magsimula ng proyekto sa aming komunidad. Ang YLEAD training ang humubog sa akin upang mangarap at magkaroon ng goal sa buhay, sa pamilya, at komunidad.
Ang LikhAral ay isa sa mga programang labis kong nagustuhan sa mga proyektong mayroon ang KKFI.
Marami akong natutuhan, at natuklasan ko rin na kaya ko palang magturo.
Sa pamamagitan ng LikhAral, ako’y naging creative at resourceful ako hindi lang sa arts and crafts kundi pati na rin sa buhay. Kaya ko rin palang sumayaw at kumanta para sa mga bata upang maipalaganap ang mga salita ng Panginoon at kung paano siya kabuti.
Nang magkaroon naman ng pandemya, hindi nawala ang mga learning session. Patuloy ito sa pamamagitan ng “virtual training.” Isa sa naging training ay ang “psychological first aid.” Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, naapektuhan nito ang mental health ng kabataan.
Ang training ay naging magandang aksyon para sa aming mga scholar na makatulong sa aming mga kaibigan sa pamamagitan ng pakikikinig at pagkakaroon ng “empathy.”
Nalaman naming na ang bawat isa ay may kanya-kanyang pinagdadaanan.
Marami akong natutuhan sa mga training na aking nadaluhan at sa mga karanasan na nakatulong sa pagbuo ng aking pagkatao.
Isa na dito ay ang pagkakaroon ng plano sa buhay at ang pagkakaroon ng tiwala sa proseso; magsumikap palagi para sa magandang kinabukasan; at ang challenges sa buhay ay normal lang at dapat hindi sinusukuan.
Maging mabuting anak at kapatid. Maging mapagpasalamat sa lahat ng bagay maliit man ito o malaki. At huwag na huwag kalilimutan ang ating Panginoon sa lahat ng bagay na ating ginagawa.
Habang ako’y nagpapatuloy na isang scholar, nagkakaroon ako ng mga mapagkakatiwalaang kaibigan na aking itinuturing na kapamilya, mga kapatid na siya ring sumusuporta sa aking mga desisyon sa buhay. Nandyan din naman ang pamilya ko na walang sawang sumusuporta sa akin at mahal na mahal ako. Sila ang aking pangunahing inspirasyon sa buhay at pag-aaral.
Sa siyam na taon ko bilang scholar, masaya akong nakilala ang mga naging staff ng KKFI. Sila rin ang nagbigay sa akin ng inspirasyon sa buhay, mga life lesson nila na sobrang tumatak sa akin na hanggang ngayon dala-dala ko pa.
Patuloy akong humahanga sa inyo. Maraming salamat po sa pagtitiwala na makakaya ko ang lahat.
Isa ako sa mga kabataan na hinubog ng KKFI upang maging mabuting mamamayan at magkaroon ng pangarap sa buhay. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa KKFI sa patuloy na pagsuporta sa aking pag-aaral.
Ako po’y nasa third year college na, malapit na pong makatapos sa kolehiyo at ngayo’y aktibong Philippine Army Reservist. Akin pong ipapangako na ako’y magiging mabuting kawal.