Tulay ng Pag-Asa
Tulay ng Pag-Asa
ni Arielito Miranda
Taong 2015, naging bahagi ako ng Alternative Learning System (ALS) program ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc (KKFI). ‘Yung mga kasabayan ko doon ay mga katulad ko rin na kabataan na nahinto sa pag-aaral. Ang pinagkaiba lang, sila ay high school nahinto samantalang ako ay sa elementarya.
Sobrang dami pong nabago sa akin dahil sa ALS at Scholarship Program ng KKFI. Simula noong nakapasa ako sa ALS, ‘yung dating nangangalakal lang at namumulot ng basura ngayon ay isa ng scholar ng KKFI at bahagi pa ng Youth Leadership Program.
Mahalaga ang pagbabagong ito dahil nabawasan ‘yung pag-aalala ng aking mga magulang sa pagpapa-aral sa akin. Sapat lang ang kinikita ng aking step-father noong first year high school pa lang ako. Dalawa kasi kami ng kapatid ko na nag-aaral.
Nakatulong po ang ALS at Scholarship Program sa akin. Una, nakapag-aral ako ng libre at may allowance pa kada buwan. Sobrang laki talaga ng naitulong sa akin ng ALS at ng Scholarship Program hanggang ngayon dahil patuloy pa rin akong nag-aaral sa Grade 10.
Ang masasabi ko na pinakamahalang pagbabago na naganap sa komunidad bilang resulta ng ALS at Scholarship Program ay dumarami ang kabataan na nabigyan ng pag-asa na maipagpatuloy ang nahinto nilang pangarap sa buhay.
Ngayon unti-unti ng nakikilala ang ALS sa pamamagitan ng programa ng Dep Ed at ng KKFI.
Makabuluhan ang pagbabago dulot nito sa komunidad dahil ‘yung mga kabataan na nakilala ko, ‘yung dating walang pag-asa sa buhay dahil pakiramdam nila hindi na sila makakapag-aral, ay muling nagkakaroon ng pag-sa.
Nakilala namin ang mga staff ng KKFI na nagbigay ng inspirasyon para umasa muli.
Ang KKFI ay nagsilbing tulay sa aming mga kabataan na maipagpatuloy ang pangarap namin na makapagtapos ng pag-aaral at makatulong sa kapwa namin kabataan balang araw.