Utang na Loob
Bilang isang kabaataan, ano nga ba ang magagawa mo upang makatulong sa kapwang nangangailangan sa panahon ng banta ng coronavirus disease o Covid-19?
Si Ryan Barcos ay isa mga kabataang gumawa ng paraan upang maging kapaki-pakinabang sa kapwa kabataan sa Manila North Cemetery (MNC) sa kanyang maliit ngunit makabuluhang paraan. Isa siya sa mga iskolar na boluntaryong nagbigay ng tulong para sa mga taga-MNC galing sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI)
Tulad ng nakararaming residente sa MNC, isa si Ryan sa mga hindi nakapaghanda sa sitwasyong dulot ng mabilis na pagkalat ng coronavirus. Lalong hindi nila inasahan ang biglaang pag-aanunsyo ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o lockdown ng buong Kamaynilaan.
Lubhang limitado lamang ang kanilang naimbak na pagkain at alam nilang hindi sasapat ang mga ito hanggang matapos ang lockdown. Pinalala pa ito dahil ang isang-buwang lockdown ay pinalawig pa ng dagdag na dalawang linggo pa.
Dahil wala nang magawa pa, idinadaan na lamang nila sa pagdadasal ang mga bagay-bagay. Pinagpasa-Diyos na lamang nila kung ano man ang mga susunod na mangyayari. Wala silang magawa kundi ang maghintay na lamang ng mga darating na tulong.
Ayon sa kanya, iilan lamang sa mga residente ng MNC ang nakapaghanda sa nasabing lockdown. Gayunman, dahil sa hindi naman sila mayayaman, kinapos pa rin ang kanilang supply at pambili ng mga dagdag na pagkain dahil sa kawalan ng pinagkakakitaan sa mahabaang panahon.
Kaya’t lubos ang kanyang pasasalamat sa KKFI dahil sa kanilang mga natanggap na tulong dahil ito ang kanilang naging pantawid nitong mga nakaraang linggo. Lubos rin siyang nagpapasalamat at isa siya sa mga naging volunteer sa pamimigay ng mga tulong dahil, ayon sa kanya, napakasarap sa pakiramdam na nakakatulong siya sa kapwa.
Buong-puso ang kanyang pag-aalay ng oras at lakas sa mga gawaing pagtulong ng KKFI. Sa ganitong paraan man lamang, aniya, ay matumbasan niya ang nagagawang tulong ng KKFI sa kanyang mga kamag-anak, kaibigan, at kapit-bahay sa MNC.