Walang Tigil na Pag-Ambag
“One of the most, if not the most, disaster-prone country in the world.”
Ito ang di-maipagmamalaking titulong idinidikit sa Pilipinas ng ilang pag-aaral na sumasakop sa lahat ng bansa ng mundo. Bakit hindi? Mahigit 20 bagyo ang dumadalaw sa bansa taun-taon, maraming lindol, pagsabog ng bulkan, hindi pa kabilang ang mga trahedyang gawa ng mga tao.
Ang pagyayabang tuloy nating mga Pilipino: “Wala nang catastrophe ang makakasorpresa sa atin!” Mali pala, at ito ay masaklap nating napatunayan ilang linggo lang ang nakakaraan. Hindi tayo handa sa Covid-19.
Ang Covid-19 o coronavirus disease ay dulot ng isang virus mula sa Wuhan, ang kapitolyo ng probinsya ng Hubei na nasa Gitnang Tsina. Mabilis itong kumalat sa maraming bansa sa Asya, Europa, Middle East, at Amerika.
Hindi nito pinaligtas ang Pilipinas, na ginulantang ng di-inaasahang peste tulad ng ibang bansa. Akala siguro natin ay napaghandaan na natin ang anumang di-kanais-nais na pangyayari; pero hindi pala tayo handa sa Covid-19.
Ganoon na lamang ng tindi ng banta ng Covid-19 na nagdeklara ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ng lockdown una sa Kalakhang Maynila na naging buong Luzon na. Nakikita kasi ng mga eksperto na mapipigil lamang ang pagkalat ng sakit na kumitil na sa buhay ng libu-libo kung walang lalabas o papasok sa Luzon.
Sa lockdown, walang pasok ang mga estudyante ng lahat ng paaralan, ang mga lugar ng trabaho ay tigil din sa operasyon maliban sa ilang piing industriya na tinuturing na “vital” upang hindi tuluyang tumigil ang buhay, walang transportasyon sa lupa, dagat, at hangin, sarado ang mga mall at mga pampublikong lugar.
Hindi handa ang mga mamamayan sa lockdown, lalo na ang mahihirap na isang kayod, isang tuka, ang mga kumikita sa ilalim ng tinatawag na informal sector o economy kabilang ang mga nagtitinda ng bola-bola, barbecue, at iba pa.
Kabilang ang pamilya ko sa grupo ng mga taong aking nabanggit. Wala kaming paghahandang nagawa sa pangyayaring ito. Gutom at kawalan ng kasiguruhan sa hinaharap ang nagbabanta sa amin sa panahong ito.
Ginulo ang aking isipan ng maraming mga tanong, tulad ng: Paano ang pamilya ko? Ano ang kakain namin? Kailan kami susunod na kakain, at marami pang iba.
Naibsan ang aking mga pag-aalala ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI). Minsan pa ay nagsilbi ito aking tagapagligtas sa nakaambang panganib na nagbabanta sa aking buhay at gayundin din ang aking pamilya. Sa nakalipas na mga taon ay sinusuportahan ng KKFI ang aking pag-aaral. Bukod sa pagiging iskolar ko ay binigyan din nito ng pagkakakitaan ang aking pamilya, na nakatira sa Manila North Cemetery (MNC).
Sa kakaibang panahon na ito ng pagkatakot sa coronavirus, na nagdudulot ng nakamamatay na Covid-19, muli na namang namagitan ang KKFI upang maligtas ako at ang aking pamilya.
Binigyan nila kami ng relief goods na pangtawid-gutom at, higit dito, ng pag-asa na kahit walang-wala na, may gagamitin ang Panginoon upang iahon ka mula sa hukay.
Dahil sa halimbawang ipinakita sa akin ng KKFI sa pagkakataong ito, naniniwala na ako na malalagpasan ng ating bayan Luzon-wide lockdown na ito pati na ang banta ng Covid-19 kapag magkakaisa at magtutulungan ang mga Pilipino.
Armado ng paniniwalang ito, nagkaroon ako ng lakas ng katawan at ng loob upang mag-alay din ng tulong. Nagre-repack ako ng mga relief goods na ipinamahagi sa mga residente ng MNC. Aminado akong maliit na bagay lamang ito kumpara sa laki ng hamon ng Covid-19, ngunit naniniwala ako na ang mga maliliit na ambag ay lumalaki kapag pinagsama-sama hanggang ito ay mas malaki na sa kaysa sa problemang sinosolusyunan.
Kaya patuloy akong mag-aambag ng aking maliit na tulong hanggang sa pagkakataong ninanais ng lahat na magapi nang tuluyan ang kinumumuhian nating Covid-19.