Walang tiwala sa sarili, ngayon sumobra na!
Tambay at inuman ang pinagkaabalahan ni Jerald Austria noon. Pinasok niya rin ang pagtatrabaho noong mga panahong nahinto siya sa pag-aaral.
Makalipas ang ilang taon, sinubukan niya ang ALS sa Daanghari Elementary School dahil wala itong pinipiling edad.
“Dumating ang KKFI. Maganda yung pakikitungo ng KKFI sa amin, at maswerte kami na isa kami sa mga napili (na tulungan),” ayon kay Jerald.
Dumalo si Jerald sa Aquintance Party, Sports Fest, Buwan ng Wika, Career Guidance Orientation, Youth Lead, Educate and Advocate for Development (YLEAD) Camp, at Christmas Party noong 2019.
Lahat ng ito ay sinalihan niya ng buong kagalakan.
“Sobrang saya sa tuwing nakalalahok ako sa activities. Lalo na kapag nakikita ko si crush,” biro niya “Syempre marami kaming natututunan at nakukuhang aral,” aniya.
Si Jerald ay kilala sa pagiging masayahin at palabiro. Siya ay nagbibigay ng kasiyahan sa bawat banat, mapa-school o bahay. Ngunit sa kabila ng kanyang mga ngiti ay dumaan din si Jerald sa lungkot ng buhay. Ilang taon din siyang tambay at laman ng inuman, at tila walang direksyon.
Pinagbuti ni Jerald ang pag-aaral sa ALS. Sa tulong ng KKFI, nagkaroon siya ng tiwala sa sarili. Naging mapagbiro man ang buhay kay Jerald, hinubog naman nito ang kanyang pagkatao upang tumibay.
Masayang-masaya siya sa tuwing nakakalahok sa mga program ng KKFI. Natuto siyang makihalubilo at umunawa sa kapwa. Nagkaroon siya ng seryosong pagtanaw sa buhay kung saan hindi na kabilang ang pagtalikod at pagsuko sa mga pagpipilian sa buhay.
“Maraming salamat KKFI. Dahil sa inyo nabago ko ang pagtingin ko sa sarili ko na dati’y walang tiwala sa sarili ngayon sumobra na,” pabiro niyang banat.
“Maraming salamat din po sa lahat ng staff, donors, at partners ng KKFI. Ngayon junior high school graduate na ako. God bless po! Padayon!”