Maliit na Papel sa Malaking Plano ng Diyos
Hindi ako handa nang mag-lockdown. Sa totoo lang, nataranta ako nang ideklara ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Enhanced Community Quarantine.
Nagdadalawang-isip ako kung saan mas mainam mag-stay habang naka-quarantine: Sa lugar na aking pinagtatrabahuhan o sa aming bahay na lang? Kahit siguro sino ay mas pipiliin ang maging nasa bahay na lang, pero pinili ko ang lugar ng trabaho. Katuwiran ko, kailangan kong kumayod, mayroon o wala mang lockdown.
Wala kasi kaming pagkukuhanan ng panggastos dahil kasasara pa lamang ng bodegang pinagtatrabahuhan ni Orlando, ang aking partner. Kaya’t kahit hindi pa kami nagkakausap ni Orlando, nabuo na ang desisyon ko.
Kagagaling ko lang mula sa opisina ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI), kung saan ako ay volunteer assistant teacher, nang mapag-alaman ko na magkakaroon ng lockdown. Alas-otso na ng gabi ngunit wala pa si Orlando. Kaunti na lamang ang natitirang oras dahil pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ay ipapatupad na ang ECQ.
Madalian akong nag-empake ng mga gamit. Ipit na kasi talaga at baka hindi na ako makaaalis pa kung magpapalipas pa ng kahit kaunting panahon. Ika-9:45 na ng gabi nang dumating si Orlando, na pumayag naman sa aking plano.
Inihatid niya ako sakay ng isang mountain bike. “Para iwas-sita,” aniya. Bukod pa kasi sa ECQ at may curfew nang ipinatutupad sa aming lugar dati pa.
Sa labas ay maraming mga pulis na naglipana. May mga nakasuot din ng pangsundalo. Bigla tuloy akong inatake ng pag-aalala.
Hindi talaga umaayon sa amin ang mga pagkakataon dahil, sa kasamaang palad,nasira ang bike na sinasakyan namin. Mabuti na lamang at may dumaang isang dyipni papuntang Divisoria, kung saan ako sasakay papuntang Morayta.
Habang nakasakay sa dyipni ay naiyak ako nang maisip kong hindi man lamang ako nakapagpaalam sa aking mga magulang. Alam kong matagal-tagal ding panahon bago ko sila makikitang lahat muli. Huminga ako nang malalim at tinatagan ko ang aking loob.
Maayos akong nakarating sa KKFI, kung saan ako ay nanunuluyan sa isang kuwarto ng dormitoryo nito mula nang magkaroon ng lockdown ang buong Metro Manila at Luzon. Kung ang iba ay nasa kani-kanilang bahay at nagre-relax, ako ay tuloy-tuloy na nagtatrabaho.
Hindi ako naiinggit sa mga taong nasa bahay. Marahil, karamihan sa kanila ay naiinip na rin at walang magawa. Masaya na rin akong na “nakulong” ako sa panahon ng kakaibang krisis na ito dulot ng coronavirus at nagbabanat ng buto. At least, hindi ako tulad ng iba na maloka-loka na sa kawalan ng magagawa.
Bukod sa may ginagawa ako sa KKFI ay masasabi kong may kabuluhan ang aming ginagawa. Sa panahon ng krisis ay minabuti ng KKFI ang tumulong sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mahihirap, lalo na yaong mga walang makain dahil sa lockdown.
Nagre-repack kami ng relief goods at tinitiyak namin na wasto ang listahan ng mga pangalan na mga tatanggap ng mga nito upang maiwasan ang pagkalito, na kadalasan ay nauuwi sa sisihan at kaguluhan.
Kami rin ang nagmo-mobilize ng mga lider-kabataan, kabilang na ang dati’y dumalo sa Youth Lead, Educate, Advocate for Development (YLEAD), upang tumulong sa pagresponde sa mga pangangailangan ng mga benepisyaryo sa mga komunidad na aming tinugunan, partikular na ang Tondo at Manila North Cemetery (MNC).
Nakita ko ang mga ngiti sa mga labi ng mga mahihirap na residente ng mga lugar na nabanggit habang sila ay tumatanggap ng tulong mula sa KKFI. Naramdaman ko kung gaano kalaking bagay para sa kanila ang aming ginawa dahil sa walang humpay nilang pasasalamat sa amin.
Sobrang saya ko sapagkat kasama ako sa mga gawaing pagtulong ng KKFI, kahit na ako ay walang naiambag na pera at tanging pawis amang ang kinaya kong ihandog sa mga mahihirap na kagaya ko ay nakaramdam na rin ako ng malaking kasiyahan sa aking puso.
Ngunit hindi ko rin mapigilan ang makaramdam ng awa sa mga kapwa ko mahihirap hindi lamang sa Tondo at MNC kundi sa iba’t ibang lugar ng Luzon. Paano kung magtagal pa ang krisis na dulot ng coronavirus disease o Covid-19? Paano kung magtagal ang lockdown? Sasapat ba ang resources ng gobyerno maging ng mga non-government organization (NGO) na tulad ng KKFI upang makapagbigay ng mga pangtawid ng gutom sa mga nangangailangan?
Panalangin ko na sana ay patuloy na mamonitor ang kalagayan ng mga ito upang masigurado na sila ay mayroon pang makakain.
Sa ginagawang pagtulong ng KKFI ay patuloy itong nagbibigay ng pag-asa sa mga tao. Nagsisilbi itong instrumento ng ating Panginoon upang mapanatili ang pananalig ng mga mahihirap sa Diyos sa kabila ng kanilang dinadanas na gutom.
Kaya pala pinili kong magpalipas ng panahon ng lockdown sa KKFI—may papel pala ako, kahit napakaliit lamang, sa mas malawak na plano ng Diyos upang hindi tuluyang magutom ang mga mahihirap na iniibig Niya.