Mataas na Tinig
Isang tipikal na bata si Carlo Lechido, yong laging natuturingan na “batang pasaway.” Sila yung mga batang tumatambay, mahilig gumala, gabi na kung umuwi, at gumagawa ng kalokohan.
Ito na ang nakamulatan ni Carlo hanggang sa lumaki kasama ang iba pang mga bata na naninirahan sa Manila North Cemetery. Si Carlo ay maabilidad. Sa katanuyan, huminto siya panandalian sa ALS upang magtrabaho sa Pampanga.
Nahasa ang kabibuhan ni Carlo nang pumasok siya sa KKFI-ALS. Nakilala si Carlo sa KKFI nang gulatin niya ang lahat sa galing niyang umawit. Napamangha ang lahat sa mataas at matinis niyang boses. Naging kalahok din siya sa kompetisyon ng “Maginoo” kaakibat sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Hindi kalaunan ay nabigyan pa siya ng pagkakataon na mapabilang sa Teatro Kapatiran.
Ang husay sa pag-awit ni Carlo ay naging susi upang kamanghaan siya ng kanyang kapwa bata at mga manonood ng teatro. Tunay nga na makalaglag-panga ang ginawang pag-awit ni Carlo ng “Luha” ng grupong Aegis. Ang mga opisyal ng Manila City Hall ay hindi natigil sa pagpalakpak sa presentasyong ginanap sa Luneta noong 2019.
Sa kabila ng talento na mayroon si Carlo, hindi niya naiwasan na maranasan ang diskriminasyong dulot ng kanyang sekswalidad. Bukod dito ay may mga pinagdaanan siya sa buhay noon na hanggang ngayon ay hinahamon ang kanyang katatagan.
Ang mga programa ng KKFI tulad ng Youth Lead Educate and Advocate for Development (YLEAD) ang isa sa nagpapalakas ng kanyang loob upang maniwala sa sarili at sa mga kakayanan na mayroon siya. Kaya niya ring maging isang lider sa gitna ng diskriminasyon. Kasingtaas ng kanyang tinig ang kanyang pangarap.
Subalit may mga pagkakataon na ang tao ay pumipiyok at napapahiya. Dito nagsisimula ang kawalan ng gana sa muling pag-awit, ngunit naniniwala naman tayo na anumang “key” ay kayang maabot sa paulit-ulit na pagsubok.
“Nadadagdagan yung confidence ko,” ani Carlo sa kanyang testimony sa muling pag-awit mula sa pagkapiyok sa buhay. Sa KKFI niya natutunang tumulong sa kapwa.
Naramdaman niya ang pagmamahal ng kanyang bagong pamilya sa pamamagitan ng payo ng mga staff. Dito rin muling nag-alab ang pagnanais ni Carlo na tulungan ang kanyang pamilya kung paano siya tinutulungan ng KKFI.
“Maraming (naitulong ang KKFI) tulad noong nawalan ako ng pag-asa, at ang KKFI ang nagbigay sa akin ng pag-asa, at yung sa confidence ko,” wika niya. “Gusto ko ma-apply yung mga natutunan ko, and maging isang mabuting leader,” dagdag ni Carlo. “Yung pananaw ko hindi nabago, pero mas nadagdagan pa ng KKFI,” aniya.
Pangarap niya ang magkaroon ng bahay sa labas ng sementeryo kung saan makakasama niya ang buong pamilya. Nais niya rin ipahatid ang pasasalamat sa bumubuo ng KKFI lalong higit sa mga itinuturing niyang role models na sina Mam Joharrah, Sir LJ, at Mam Love.
Unti-unti na niyang naaabot ang mga pangarap. Isa si Carlo sa mga nakapasa sa ALS.
“Noon ako ay nasa ilalim, sana bukas nasa ibabaw naman,” ayon nga sa isang awit na nagbigay sa kanya ng pagkilala nang minsang kanyang kantahin. Ito rin ang kanyang gabay tungo sa mas maginhawang bukas.