Mga Opisyal ng NHOAI Nagpasalamat sa KKFI
Ang North Home Owner’s Association Inc. (NHOAI) ay isang samahan na binubuo ng mga mamamayan na nakatira sa Manila North Cemetery (MNC). Ito ay binuo sa tulong ng Kapatiran-Kaularan Foundation Inc. (KKFI) upang maisulong ang proyektong pabahay sa MNC, ngunit hindi lamang sa aspetong pabahay nakakatulong ang samahang ito.
Simula nang ianunsyo ng gobyerno ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), kabilang sa mga lubhang nahirapan ang mga nakatira sa MNC. Bukod sa kakulangan ng pagkakakitan bago pa man inanunsyo ang lockdown ay mas humirap ang kalagayan ng mga mamamayan nang ipagbawal ang pagpasada ng mga tricycle, isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga taga-MNC.
Bilang pagtugon sa panawagan ng mga kasapi ng NHOAI, nagpadala ang KKFI ng tulong para sa mga kasapi ng una. Ipinamahagi ng mga core group leaders ng samahan ang mga nasabing tulong. Noong ika-7 Abril 2020, ipinamahagi ang tulong na ito sa mahigit 200 pamilya sa loob ng MNC. Nakatanggap rin ng tulong mula sa KKFI ang pito sa mga core group leader, na lubos ang pasasalamat.
“Nagpapasalamat kami sa KKFI dahil malaki ang naitulong nila sa mga nakatira sa Manila North Cemetery sa panahon ng kalamidad na ito,” pahayag ni Anna Villegas, pangulo ng NHOAI. “Masaya kami dahil naging instrumento kami upang maipaabot ang tulong sa ito sa kapwa namin kahit may mga negatibong pahayag ang ilang hindi naabot ng tulong.”
Ito naman ang pahayag ng auditor ng samahan na si Christina Ramirez: “Ang sarap sa pakiramdam na nakatulong tayo sa kapwa nating mga taga-MNC. Sa dinami-dami ng mga nagdaang ayuda sa MNC, bukod tanging KKFI lamang ang nagbigay ng malasakit sa amin… Naway hindi kayo magsawa sa pagtulong sa amin.”
“Nakakatuwa dahil may mga mabubuting loob tulad ng KKFI na nakapansin ng pangangailangan ng tulong ng mga taga-MNC. Lubos po ang aming pasasalamat sa mga bumubuo ng KKFI. More power and God bless po sa inyo!” sabi ni Jocelyn Torre, lider ng isa sa mga core group.
Dagdag pa ni Torre: “Tunay ngang napakalaking adbentahe ng pagtutulungan sa panahong ganito na marami ang nangangailangan kaya’t lubos rin ang aming pasasalamat sa mga taong ito na hindi inalintana ang init, pagod at gutom maihatid lamang ang tulong sa kanilang nasasakupan.”