Pagkatiwalaan ang Proseso
Ang pamilyang kinabibilangan ko ang isa sa mga pamilyang natulungan ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) dahil nabiyayaan kami ng relief goods. Amin itong pinasasalamatan nang lubha.
Dahil dito ay lalong tumatatag ang aking pagtining sa KKFI bilang isang institusyon maaasahan lalo na sa panahon ng krisis. Nawa'y ipagpatuloy ng KKFI ang pagbibigay ng relief goods sa mga tulad naming nangangailangan sa panahon ng extended lockdown.
Ang ipinagkaloob ng KKFI ay napakalaking tulong sa mga taong nakararamdam ng gutom at kawalan ng pag-asa, lalo na sa tulad ng karamihan ng mga taga-Manila North Cemetery o MNC na kumikita lamang sa isang araw kung sila ay magtatrabaho o "no work, no pay."
Alam kong iba-iba ang ideya ng iba-ibang mamamayan kung ano ang dapat na mga ginawang hakbang ng pamahalaan ngunit hindi ito ang panahon upang maging mareklamo sa mga diumanoy maling desisyon ng gobyerno. Kung ilalagay ko ang aking sarili sa kalagayan ng mga namamahala, masasabi kong na sobrang hirap at pressure ang kanilang nararamdaman.
Sa panahon ng krisis, dapat matutunan ng mga mamamayan na mag-adjust sa desisyon ng gobyerno at hindi ang kabaliktaran nito. Walang masama sa pag-express ng mga hinaing, gayundin naman ay may obligasyon at responsibilidad tayo na sumunod. Ito ang sakripisyon natin na nagnanais ng pagbabago—ang tumulong at sumuporta sa gobyero at maniwala sa proseso na inilalatag nito.
Sa awa ng Diyos at tulong ng KKFI ay nakakaraos ang aking pamilya bagamat may krisis. Hindi ko ihinihiwalay sa maayos naming sitwasyon sa pagdesisyon naming magtiwala sa proseso at iwasan ang maghanap ng mali sa gobyerno.
Sa malaot-madali ay mangyayari ang ninanais na pagbabago sa ating sitwasyon kung lahat ay makikiisa.