Pagsibol ng Pag-asa
Dati isa akong batang paslit na laro ang inaatupag at mahilig sa kung ano-anong mga bagay na nakalilibang.
Para akong isang batang usa na nakikipaglaro sa isang paru-paro, hindi iniintindi kung ano man ang nasa paligid, nabubuhay ng walang pangarap, at hindi alam kung papaano harapin ang mga panganib sa paligid.
Nabago ang lahat nang dumating ang isang magandang anghel na sinugo ni Lord para baguhin ang pag-iisip ng maraming bata na tulad ko.
Ito ang aking KWENTONG PAG ASA sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI).
Si Christian Love Daroy-Gagno, o mas kilala sa looban na “Ate Love,” ang unang staff ng KKFI na aming nakilala.
“Hello ako si Ate Love. Ano sa tagalog ang Love?” tinanong n’ya ito sa aming mga bata. Sinagot ko siya, “Pagmamahal o pag-ibig.”
Pinuri nya ako. Galak na galak ako dahil sa kanyang pagpuri. Nagtiwala ako at sumama sa tutorial.
‘Yon ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon at bahagi ng KKFI Family.
Sa patuloy na pagsama ko sa mga programa ng KKFI, marami akong natutunan hindi lamang para sa aking sarili kundi para sa komunidad. Itinuturo rito at pinagyayabong ang lahat na kakayahan ng mga bata, ipinagtatanggol ang kanilang mga karapatan at hindi inaapakan.
Isa ako, at saksi ako, sa maraming kabataan na pinayabong ng KKFI, inahon mula sa paglubog, binigyan ng pag-asa, at patuloy na lumalaban sa mga hamon ng buhay.
Naging isang pinuno ng mga kabataan ang mahiyaing tulad ko at patuloy na sinusuportahan at pinapalago bilang isang lider-kabataan.
Ang PAG-ASA ay nakamit dahil sa simpleng papuring ibinigay.
Minsan kung sino pa ‘yung taong hindi mo akalain na darating sa buhay mo ay siyang magpapakita na isa kang ilaw at asin sa mga nakapaligid sa ‘yo.
Ako si Armand Miralles, nangangarap hindi lamang para sa sarili at sa pamilya, kundi pati na rin sa komunidad na kinabibilangan ko.