Trahedya
Naranasan ko na mawalan ng pag asa. ‘Yung tipong gusto ko na lang sumuko dahil alam ko sa sarili ko na wala na akong laban.
Noong kasagsagan ng pandemya, isang trahedya ang dumating sa buhay namin ng aking pamilya. Akala ko sa telebisyon ko lamang ito makikita. Hindi ko lubos akalain na mangyari sa amin.
Agosto 26, 2020, nilamon ng apoy ang bahay namin sa Barangay Longos, Pulilan, Bulacan.
Dahil sa taranta ay wala na kaming naisalba kundi ang aming mga sarili. Naiyak ako habang unting-unting nilalamon ng apoy ang aming bahay. Sinabi ko sa sarili na sana magising na ako sa bangungot na ito.
Wala kaming nagawa kundi tingnan na lamang ang pagtupok ng apoy sa aming bahay at ang hintayin itong maging abo. Iniisip ko, papaano na kami? Saan kami magsisimula?
Tiningnan ni mama ang bulsa niya at umiyak na lamang dahil 31 pesos na lang ang natira sa amin. Ang 31 pesos na iyon ay kulang pa sa pagkain at sa gatas ng aking kapatid.
Nawala ako sa sarili at natulalang sumalampak na lamang sa isang tabi. Nasa punto na ako na sumuko. Hindi ko na alam ang mangyayari sa amin dahil walang-wala na kami.
Ang dami kong tanong sa sarili, tulad ng “Paano na si mama?” “Paano na niya mapagagamot ang sakit niyang cancer?” “Yung maintenance niya paano na?” “Yung kapatid ko na nag-gagatas pa?” “Yung pag-aaral ko?” at madami pang iba.
Ang daming tumatakbong katanungan sa isip ko at ni isa doon ay wala akong mahanap na sagot. Naiyak na lang uli ako dahil hindi ko na alam ano ang dapat kong gawin.
Kinausap ko si Lord, sinabi ko sa kanya kung anong mga pinoproblema ko at kung ano ba dapat ang gagawin ko para makahanap ng solusyom.
Sa pagkakataon na iyon parang ibinulong niya sa akin na magtiwala lang ako sa kaniya, na may plano siya sa akin, sa amin.
Doon na bumuhos ang mga tulong sa amin. Maraming mga mabubuting tao ang tumulong para makapagsimula kami ulit. Ginamit ni Lord ang mga taong ito para tulungan kami.
Isa na dito ang Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc, o KKFI, na matagal nang walang sawa sa pagtulong sa akin dati pa man.
Naiyak na lang ako dahil grabe si Lord. Kahit na gaano na ako ka down noong time na ‘yon, nandiyan pa rin siya nakikinig at binibigyan ako ng dahilan para muling lumakas ang loob.
Sa KKFI na walang sawang tumutulong sa amin at sa lahat ng taong tumulong sa amin, buong puso akong nagpapasalamat. Nang dahil sa inyo, nagkaroon kami ng pag-asa sa buhay.
Ang problema ay hindi talaga nawawala sa atin, kaya gawin natin itong aral upang maging matatag at mas maintindihan pa ang buhay.